Wednesday, December 8, 2010

Epekto ng Telebisyon

     Panonood ng telebisyon ang ilan sa mga gawaing mahirap iwasan ng isang bata.
     Bumibili ang mga magulang ng mga video na akala nilang nakakapagpatalino ng kanilang mga anak. Paano nga ba ito nakakaapekto sa mga bata?
     Ilan sa mga mabubuting epekto ng panonood ng telebisyon ay ang ibang programa rito ay nakapagtuturo, nakapagbibigay ng impormasyon at nakapagpasisigla ng mga bata na mas epektibo kaysa sa mga libro sa pagtuturo ng mga proseso tulad ng pagtubo ng halaman o kung paano maghurno ng keyk.
     Mayroon din naman itong mga masasamang epekto. Ayon kay Dr. Sally Ward, pinapamanhid nito ang utak ng bata dahil hinahadlangan nito ang mga bata sa pag-eehersisyo ng pagkukusa, pag-iisip at paggamit ng kanyang imahinasyon. Kinukuha rin nito ang oras na sa halip ay ginagamit na pagpapabuti ng kakayahan sa pagbabasa.
     Dapat pumili ang mga magulang ng mga programang angkop sa edad ng kanilang mga anak at walang mga marahas na tagpo. At dapat na isaalang-alang rin nila na may oras pa ang kanilang anak na makapag-aral ng leksyon.
     Mas mabuti na ibalanse ang panonood ng telebisyon upang hindi ito makasira sa pag-aaral ng mga bata. Sa kamay pa rin ng mga magulang nakasalalay kung kailan at ano ang panonoorin ng mga bata.
     Sa kabuuan, malaki ang naitulong ng panonood ng telebisyon sa atin sa pagbibigay ng impormasyon araw-araw.

Pagbebenta ng mga Expired na Gamot

     Sinalakay ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang klinika sa Calumpang, Lungsod ng Heneral Santos noong Oktubre 13, 2010 dahil sa hinalang nagbebenta ito ng mga expired na gamot.
     Maraming karton ng gamot ang nakumpiska ng PDEA. Nagtataka ang PDEA kung bakit nagbebenta ng mga gamot ang klinika na hindi naman nila ito saklaw. Pagkonsulta lamang ang dapat gawin ng mga doktor at hindi pagtitinda ng mga gamot.
     Sa gawaing ito ng doktor, parang pinapatay na niya ang kanyang mga pasyente sa kanyang pagbebenta ng mga expired na gamot.
     Labag sa batas ang pagbebenta ng gamot sa klinika dahil gawain ito ng parmasya. Saan ba galing ang mga gamot na binebenta sa klinika? Ano ba ang sinumpaang tungkulin ng mga doktor? Manggamo o magbenta ng gamot para dagdag sa kanilang kita?
     Sa kabuuan, dapat higpitan ng mga awtoridad ang pagpapatupad ng ganitong batas at magkaroon ng regular na pagmomonitor sa mga klinika. Karampatang parusa ang dapat igawad sa mga medical practitioner na umaabuso ng kanilang katungkulan.

Karapatang Mabuhay

     Ang kabataan sa pamayanan ay ang pag-asa sa hinaharap. Sa paghubog ng tamang pag-uugali, sila ay gagawa ng mabuti at sila rin ang magpapatuloy ng mabubuting hangarin ng ibang tao na hindi nila natapos.      Ang pagbibigay sa kanila ng pagkakataong mabuhay ay pagbibigay ng puwang sa mga mabubuting bagay na maaari nilang gawin.
     Ang pagbibigay sa mga sanggol ng pagkakataong mabuhay ay paggalang sa kanilang karapatang maisilang sa mundo at paggalang sa nilikha ng Diyos. Walang sinumang tao ang may karapatang kumitil ng buhay ng kapwa, sanggol man, bata o matanda.
     Ilang fetus na nga ba ang napabalitang natagpuan kung saan-saan? Bakit ganito? Sariling ina ay kumikitil sa buhay ng anak. Sa aking murang isipan, ang mga pangyayaring ito ay mahirap maintindihan. Anuman ang dahilan ng mga inang ito, para sa akin ay hindi katanggap-tanggap.
     Bawat bata ay may karapatang maisilang at mabigyan ng pangalan; dapat mahalin, ingatan at palakihin.

K+12; Dagdag taon, Dagdag gastos

     Gustong ipatupad ni Pangulong Aquino ang programang K+12 upang maging handa ang mga estudyante pagdating ng kolehiyo at madaling makakuha ng trabaho.
     Sinabi ni Pangulong Aquino sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) na sinali niya ang 12-taong edukasyon sa kanyang mga reporma sabay sabing, "Magkakapondo na po para maipatupad ang mga plano natin sa edukasyon. Mapapalawak natin ang basic education cycle mula sa napakaikling 10 taon tungo sa global standard na 12 taon.."
     Maraming negatibong pahayag ang mga magulang at estudyante sa pagpapatupad ng K+12. Nagpapahiwatig ito na ayaw nilang ipatupad ng Pangulo ang programang K+12 dahil dagdag gastos na naman ito para sa kanila. Hiling ng mga magulang na sana huwag ipatupad ang K+12, sa halip ay pagbutihin ang kalidad ng edukasyon upang magkaroon ng sapat na kaalaman ang mga mag-aaral at hindi mabubutas ang kanilang bulsa sa bigat ng gastusin.
     Layunin ng Pangulo na sa taong 2015, wala ng mga batang nasa kalsada. Dapat ay nasa silid-aralan na silang lahat upang matuto at balang araw ay magkaroon ng kontribusyon tungo sa pag-unlad ng bansa.
     Binase ng Department of Education (DepEd) ang programang ito sa naging resulta ng nasabing pag-aaral ng Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS) noong 2003: Ang Pilipinas ay pang-34 sa 38 bansang sumali sa HS II Matematika at pang-43 sa 46 bansa sa HS II Agham; para sa ikaapat na baitang, ang Pilipinas ay pang-23 sa 25 bansang sumali sa Matematika at Agham. Noong 2008, kahit mga pang-Agham na paaralan na para sa sekondarya ang sumali sa kategoryang Advanced Mathematics pinakamababa ang pwesto ng Pilipinas. Dapat suportahan ng mga kapwa Pilipino ang Pangulo upang unti-unting mapagbuti ang edukasyon sa bansa at sa susunod ay magiging unang pwesto na ang ating bansa sa mga pandaigdigang pagsusulit tulad ng TIMSS.
     Sa kabuuan, kooperasyon ng lahat ng sektor ng pamahalaan at pagpupursigi ng administrasyon ang kailangan upang maging matagumpay ang pagpapatupad ng K+12. Ito ay para sa ikabubuti ng bansa at pati na ng mga estudyante.

Pagdiriwang ng World Teachers' Day

     Ipinagdiwang ang Araw ng mga Guro o World Teachers' Day (WTC) noong Oktubre 5, 2010 sa temang "My Teacher, My Hero."
     Ginugunita ang WTC tuwing ikalima ng Oktubre upang mabigyang parangal ang mga guro. Sa araw na ito, binibigyan ng mga mag-aaral ang kanilang guro ng bulaklak o espesyal na regalo.
     Sa Pilipinas, ipinagdiwang ang pangatlong Teachers' Month Celebration (TMC) noong Setyembre 3, 2010 sabay sa Search for Outstanding Teachers. Hinikayat ng TMC ang mga mag-aaral na magsabi ng simpleng "Salamat po" sa mga gurong gumawa ng malaking pagbabago sa kanilang buhay.
     Kung walang mga guro, ano kaya ang kahihinatnan ng ating bansa? Magkakaroon ba tayo ng enhinyero, abogado, doktor, pulitiko o lider ng bansa?
     Malaki ang naiambag ng mga guro sa pag-unlad ng bansa. Binahagi nila ang lahat ng kanilang kaalaman upang malinang ang iba't ibang angking talento ng mga estudyante.
     Sa kabuuan, mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga guro dahil sila ang humubog sa mga nagiging lider ng bansa. Isang kontribusyon na halos hindi napapansin sa pag-unlad at pagsulong ng ekonomiya. Kahit si Pangulong Aquino ay binigyang puri at pasasalamat ang kanyang mga naging guro.
     Kaya, nararapat lamang na bigyan ng isang malaking pagpupugay ang mga guro. Ang "Salamat po, Titser" ay sapat na upang maipadama sa kanila na sila ay dakila.

Monday, December 6, 2010

Lumalalang Polusyon sa Basura

     Polusyon sa basura ang isa sa mga pinakamalalang problema na hinaharap ng ating bansa. Nakakahiya kung isipin na ang bansa natin ay maraming tambak na basura kahit saan lalo pa't maraming turista ang dumadayo rito. Plastic bags ang nag-aambag ng pinakamalaking porsyento sa pagdami ng basura.
     Nakabarang basura sa mga kanal ang tinuturong dahilan ng pagbaha sa Merto Manila (MM) noong nakaraang taon. Dahil sa pananalasa ni Ondoy na tinaguriang pinakamalalang kalamidad na nangyari sa bansa, ang lebel ng tubig ay umabot na sa ikalawang palapag ng mga bahay at nakapinsala ito ng maraming ari-arian.
     Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), nakatayang 756,986 kilo ng basura ang natagpuan sa mga tabing-dagat ng bansa. Sa bilang na ito, 622,448 na kilo ay mga plastik at goma. Halos kalahait sa mga plastik na tinatapon sa mga anyong tubig o nakatayang 300,716 kilo ay mga plastic bags ayon sa DENR. Ang mga supot ng kendi at bote ay ma timbang na 110,939 kilo.
     Sa atin pa rin nakasalalay ang kalinisan ng ating paligid. Kung patuloy tayong magtatapon ng basura kahit saan at kung hindi tayo magtitipid ng gamit, wala pa ring bisa ang pinapatupad na batas ng gobyerno ukol sa basura tulad ng "Basura Mo, Sagot Mo."
     Nararapat lamang na lalong higpitan ng pamahalaan ang pagpapatupad ng batas upang maging disiplinado ang mga mamamayan at matuto sila ng leksyon sa mga pagbahang nangyari na sa bansa. Sa huli, tayo pa rin ang kawawa kung hindi tayo magiging malinis at responsableng mamamayan pagdating sa basura. Maaaring maging pinakamaruming bansa ang Pinas balang araw kung patuloy pa rin tayong maging burara. Dapat tulungan natin ang pamahalaan sa pagsugpo ng polusyon ng basura sa pamamagitan ng pag "reuse, reduce at recycle," paghihiwalay ng basura sa nabubulok at di-nabubulok at pagtapon ng basura sa tamang lugar.

DepEd Order No. 392

     Naglabas ang Department of Education (DepEd) ng Memorandum bilang 392, serye 2010 na nagsasaad na hindi dapat magbigay ng maraming takdang aralin ang mga guro sa mga mag-aaral tuwing Sabado't Linggo.
     Nagdesisyon si Br. Armin Luistro ng DepEd na ipatupad ang ganitong batas upang mabigyan ng oras ang mga estudyante na ipahinga ang kanilang isip at katawan sa tuwing Sabado at Linggo upang sa ganoon, mababawasan ang tindi ng kanilang ginagawa tuwing may pasok lalo pa't pagdating sa kanilang mga tahanan ay may ginagawa pa silang takdang aralin at tumutulong sa gawaing bahay.
     Masaya ang mga mag-aaral nang marinig nila ang balitang ito. Subalit mayroong isang grupo na kumukontra sa inilabas na panukalang ito. Ito ay ang Teachers' Dignity Coalition. Ayon sa kanila, hindi naman ito nangangahulugan at lalong nagpapahirap sa mga estudyante.
     Hindi ba sila masaya dito? Nakakabuti ito dahil makakapaglibang ang mga estudyante tuwing Sabado at Linggo at dahil mababawasan na ang kanilang gawain. Nararapat lamang na hindi bigyan ng takdang aralin ang mga estudyante tuwing Sabado't Linggo upang marami silang oras na makapag-aral ng leksyon at upang maging handa na rin sila sa susunod na araw ng pagpasok.
     Tiyak na maraming mga magulang ang natutuwa nito dahil mayroong sapat na panahon ang mga anak na makapag-bonding sa kanila.
     Ang tanong ng mga mag-aaral, bakit kailangang bigyan ng takdang aralin kung natamo naman nila ang layunin sa araw-araw?
     sa kabuuan, malaki ang naitulong ng naging plano ng DepEd para sa mga mag-aaral. Masarap isipin na walang gagawing takdang aralin tuwing Sabado't Linggo, hindi ba? Kahit na ipinatupad ito, huwag naman pabayaan ng mga mag-aaral ang kanilang pag-aaral. Mag-aral muna ng leksyon bago maglaro at maglibang upang maging handa sa klase pagdating ng Lunes. Nakasalalay pa rin sa mga guro ang desisyon kung kailangan nga ba ng dagdag na aralin ang mga mag-aaral tuwing Sabado't Linggo